Nilikha Sa Pag-ibig


Nabubuhay ang tao dahil nilikha siya ng Diyos sa pamamagitan ng pag-ibig. Ang pag-ibig ring ito ang dahilan kaya patuloy siyang nabubuhay.

Ang pag-ibig ng Diyos ang pinagbubukalan ng buhay. Nalikha ang lahat dahil sa nag-uumapaw na pagmamahal ng Lumikha.

Hindi tayo mabubuhay ng ganap sa katotohanan liban na lamang kung kikilalanin natin ang pag-ibig ng Diyos at ipagkatiwala nating ganap ang ating sarili sa Dakilang Nilikha.

Magiging walang kabuluhan ang ating buhay kung malayo tayo sa Diyos.

Sa Ating Puso


Nakasulat sa puso ng tao ang kanyang pagnanasa at pananabik sa Diyos. Nilikha tayo ng Diyos at para tayo sa Kanya. Katunayan, hindi tumitigil ang Diyos na ilapit tayo sa Kanyang sarili.

Gumagamit Siya ng ibang at ng mga pangyayari upang maakit tayong lumapit sa Kanya.

Sa Diyos lamang natin matatagpuan ang katotohanan at kaligayahang palagian nating hinahanap. Hindi tayo ganap na matatahimik at liligaya hangga't hindi tayo tuluyang lumalapit sa Kanya.

Karangalan natin bilang mga nilalang ang tawagin tayo ng Diyos sa pakikiisa sa Kanya. Ang paanyayang ito ay nasa atin na buhat nang nasa sinapupunan tayo ng ating mga ina.

Sumasampalataya ako...


Bago natin talakayin ang ating pananampalataya, mahalagang maunawaan muna natin kung ano nga ang kahulugan ng pagsampalataya.

Ang pananampalataya, una sa lahat, ay tugon ng tao sa Diyos. Tugon lamang. Ibig sabihin, naunang nagpahayag ang Diyos. Tayo'y sumasagot lamang sa Kanyang ipinahayag. Siya ang naunang kumilos. Siya ang naunang umibig.

Isinisiwalat at ipinakikilala ng Diyos ang Kanyang sarili sa ating mga tao. Sa ating pagtugon, pinagkakalooban tayo ng Diyos ng ganap na kaliwanagan at realisasyon sa tunay na kahulugan at kabuluhan ng ating buhay. 

Madalas nating marinig sa mga sharings ang mga katagang ito "nagkaroon ng direksyon at ng kabuluhan ang buhay ko dahil nakilala ko ang Diyos." Sa mga patotoong ito, makikilala natin kung gaano kahiwaga kumilos ang kamay ng Diyos.